Wednesday, January 16, 2008

A Filipino Composition

“There’s a big, dark cloud hovering above my head. What should I do…. Should I open my ultra-pink, windproof umbrella and don a trench coat to protect me from a nasty downpour…or…should I just embrace every raindrop and let it wash away all my false expectations appearing real?” - tanong, tanong, at marami pang katanungan. 


Alin ang mas depressing….ang naiiwan o ang mang-iwan? Sa aking palagay at sa aking karanasan, di hamak na mas masakit ang maiwan. Oo, kung palagi naman itong nangyayari, nagagawa nga ng isang tao na masanay at magpatuloy sa araw-araw na gawain, isinasantabi ang kalungkutan at pangungulila na natutunan ng indahin. Isang dahilan kung bakit madali itong nagagawa ay ang pagasang dadating din ang panahon na ang kapayapaan ng loob ay manunumbalik kasabay ng iyong minamahal. Ngunit, paano na kung alam mong sa muli niyang pagbabalik, ikaw naman ang lilisan?…. Hindi ba napakasaklap? Sa dalawampu’t dalawang taon na paulit ulit na pamamaalam, alam kong ang isang ito ay lubos na naiiba sa mga nakaraang taon. Alam ko na ngayon ang simula ng malaking pagbabago. At ang pagbabagong ito ang nagparalisa sa akin sa mga nagdaang araw. Dahil sa labis na kalungkutan, na hindi ko naman mapahintulutang ipakita sa iba, nagmatigas ako. Pinaniwala ko ang sarili ko na makakayanan kong hindi siya makita sa kanyang pagalis. Pinilit kong ipakita na mas pipiliin kong magtrabaho na lamang kesa ihatid siya. Ngunit, bigo ako… hindi ko pala kaya. Naguumigting sa aking kaisipan ang katotohanan na ipikit ko man ang mga mata ko habambuhay at magpanggap na hindi ako apektado, na nananatili akong matatag sa bingit ng pagdurusa, Niloloko ko lang ang sarili ko. At sa pagpupumilit kong isantabi ang nararamdamang kalungkutan, mas lalo itong kumakapit sa aking pagkatao. Ano ba ang dapat kong gawin? Ano ba ang katotohanan? Ang katotohanan….. Babalik at babalik siya ngunit sa kanyang pagbabalik hindi na ako mananatiling naghihintay na lamang. Hindi na ako isang batang nagagalak at nasasabik na naghihintay sa mga paparating. Sa kanyang pagbabalik, siguradong nagsisimula na din ako sa panibagong kabanata ng aking buhay sa ibayong dagat. Ang totoo, isa na rin ako sa mga nang-iwan. Kahit gaano pa man kasandali ito, hindi ko mapapawi ang kalungkutan na akin naming maipadadama sa aking maiiwan at kasabay nito ang mas malalim pang pagdurusa sapagkat tanggap ko nang matagal na panahon pa bago kame magkasama sama muli. Paano na? Ang mga kaisipang ito ay nagmula sa mga katanungan….. Nais ko rin itong wakasan ng isa pang katanungan….. Kakayanin ko ba?